Ang Pagbabalik sa Tahanan ng Kamusmusan

2:25 AM

Ito ay isang bukas na liham para sa aking mga kapatid sa mahabang panahon naming hindi pagsasama-sama.



Sa aking mga kapatid,

Matagal-tagal na panahon na rin tayong hindi nagkikita. Sa aking pagyapak muli sa loob ng tahanang naging saksi sa halakhak at luha ng ating pamilya, may bahagyang kilabot akong naramdamang di ko maipaliwanag. May kaba, may paninibago, at higit sa lahat, may panghihinayang sa panahong dumaan at nasayang.

Panandaliang naputol ang aking pagmumuni-muni nang meron akong nakitang isang estrangherong lumabas mula sa dati kong kuwarto. Nagulat ako. Nawala kasi sa isip ko na pinauupahan na nga  pala ang mga dating kuwarto natin sa ibang mga tao.

Sabi ni Nanay, sayang naman daw ang bahay kung walang titira. Bukod sa kanyang sarili, isa na lang mula sa ating limang anak ang kasama niyang nakatira dito. Si Tatay naman ay matagal nang namayapa. Oo nga, ayon ko, pero hindi ko mapigilang manghinayang sa tahanang ito. Mula kasi sa dating napakaaliwas at maluwang na paligid, ngayon ay para na syang isang lumang istruktura na napapalooban ng maraming kahon na kung tawagin ay "room for rent".

Habang hinihintay ko si Nanay sa lugar na ngayon ay kaputol ng dating sala natin, nilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng bahay. Nakita ko ang ilang lumang litrato natin, medyo kupas na, kasama ang mga mas bagong larawan ng mga anak natin. Habang pinagmamasdan ko ang mga masasayang larawan ng mga bata, naalala kong hindi pa sila nagkakasamang magpipinsan at nanatiling sa pangalan lang magkakakilala. Dalawa kasi sa atin ay nasa ibang bansa. Ang tatlo namang naiwan dito, kasama na ako doon, ay waring nasanay na sa pagkakanya-kanya.

Napakagat ako ng labi nang matuon ang aking paningin sa "Yamaha organ" na nasa isang madilim na sulok. Naalala ko kasi na dati syang sentro ng mga kasayahang ginanap dito sa ating bahay. Kuntodo de sindi pa ang kandelabra habang nagpapalitan kami ng pagtugtog ni Bunso. Ah... maraming iyakan at pilitan din ang nangyari. Hiyang-hiya kaming tumugtog sa harap ng mga kaibigan nila Nanay at Tatay.

Ang dating malawak na lugar kung saan naroon ang hapag-kainan ay masikip na ngayon na tila bagang walang bisitang inaasahan. Maraming espesyal at pang araw-araw na pagkain ang pinagsaluhan natin doon. Ang mga ulam natin ay kadalasang bitbit ni Tatay galing sa restawran. Naalala niyo ba pag Pasko? Nag-uumapaw ang pagkain sa lamesa at gumagawa pa tayo ng isang malaking batya ng salad dahil tiyak maraming magsisidatingang kamag-anak at kaibigan. Nasaan na nga ba sila ngayon?

Nasilip ko pa nga ang dati kong kuwarto nang lumabas ang umuupa at iniwang nakatiwangwang ang pinto. Hindi na siya kulay rosas ayon sa pagkakaalala ko at wala nang bakas ko. Wala nang bakas na minsan ay may batang babaeng tumira at lumaki dito.

Nalipat ang aking pansin sa puno ng mangga sa ating bakuran kung saan naroon ang dati nating “tree house”. Marami tayong magagandang ala-ala ng pagkabata dito di ba? Lalong-lalo na nung meron pa tayong maliit na "fishpond" sa may paanan ng puno. Tuwang-tuwa tayong maglinis kasi pagkakataon na natin mahawakan ang mga isda sa palanggana habang pinapalitan ang tubig. Ngunit gaya ng mga lumang alaala, ang lugar na ito ay lumipas na, inanay at giniba.

Dali-dali ko namang hinanap ang daan sa ating lihim na lagusan. Gusto ko sanang umakyat sa bubong katulad nang ginagawa natin noon ngunit nalaman kong ito ay isinara na. Maraming oras din tayong tumambay dito noon para panoorin lang ang mga taong naglalakad sa labas at hintayin ang mga naglalako ng nilagang mais, binatog, taho, at iba pa. Parang napakalayong mangyari noon na ang tahanang ito ay mamamanglaw sa atin.

Sa ating pagtanda, gumawa tayo ng maraming mga desisyon sa buhay. Kinailangan nating maglayo-layo. Iba-ibang lugar ang ating napuntahan at napiling gawing bagong tahanan. Hindi na nakilala ng mga anak natin ang ganda at sigla ng ating naging tahanan sa loob ng maraming taon. Nasusumpungan lang natin ang ating mga sarili sa bahay na ito kung kinakailangan at iyan ay madalang pa sa patak ng ulan. Katulad ngayon… dinalaw ko si Nanay dahil sya’y may karamdaman.

Sa aking pag-alis para umuwi na sa aking sariling tahanan, ako'y lumingon nang minsan pa. Nanariwa ang alaala ng maligayang kamusmusan at ng masakit na pagkakahiwalay natin dala ng pagkakaiba ng pananaw. Sa aking pagbabalik sa tahanan ng ating kamusmusan, may nabuhay na pag-asa. Baka sakali ang ating dugong magkakapatid ay manaig din sa huli. Kung magagawa lang nating ibaba ang mga pansarili nating yabang nang sabay-sabay, alam kong ang ating tahanan ay muling magliliwanag.

Sa ngayon, si Nanay na lang ang natitirang dahilan para tayo ay bumalik dito. Paano kapag wala na siya? Marahil ay lalong hindi na makikita ni mga anino natin. Hindi natin kinakailangang bumalik upang tumirang muli sa ating tahanan. Sapat na ang magkasabay-sabay tayong dumalaw nang hindi nag-iiwasan. Hindi ba’t nakasasabik makita ang mga anak nating kumpletong magkakasama? Tiyak na inaantabayanan iyan ni Tatay.

Mayroon pang panahon ngunit hindi iyan parating nandyan. Kung patuloy nating palalampasin ang mga pagkakataon, maaaring maging huli na nga ang lahat. Noong nakaraang isinama ko ang aking mga anak sa ating dating tahanan, natanong nila ako kung bakit ang karamihan ng nakatira ngayon doon ay hindi natin kaanu-ano. Hindi ba raw dapat pamilya ang nakatira sa isang tahanan?

Natigilan at napaisip nanaman ako. Bakit ba mahilig magtanong ng ganito ang mga bata? Katulad na lang nang ako’y tanungin nila kung bakit ang pamilya natin ay hindi nagpatawag ng "reunion" ni minsan. Kadalasan iniiwasan ko nang pag-usapan at pag-isipan ang mga ganyang bagay dahil tiyak sa iyakan lang hahantong ang lahat. Sana sa susunod na tanong nila sa akin ay masagot ko sila ng walang alinlangan.

Ang mga pader ng ating tahanan ay nananaghoy, mistulang nagsusumamo upang punan muli ito ng pagmamahal at kasiyahan. Waring humihiling ang lumang kandelabra ng mga bagong bombilya upang minsan pang magliwanang nang buong ningning. Ang lumang organ , parang gustong umalpas sa makapal nyang talukbong upang magpakitang gilas ng kanyang tugtugin, kahit na sa huling pagkakataon.

Kailan natin maisasantabi ang mga pansarili nating dahilan? Kailan natin matutunang tanggapin ang isa’t isa? Kailan natin sama-samang babalikan ang tahanan ng ating kamusmusan?

Sana malapit na. Sana.

Umaasa,

Bebe



Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5 sa Kategoryang Blog/Sanaysay





You Might Also Like

0 comments

Let us know what you think